Announcement: Thank you for your participation in the 17th Bright Leaf Agriculture Journalism Awards. Congratulations to all our winners!

Hanip, harabas, El Niño phenomenon : Mga hamon sa pagbangon

by: Zhander Cayabyab of DZXL NEWS 558 KHZ – RMN Manila
2024 Best Agriculture Radio Program or Segment

Hanip, harabas, El Niño phenomenon  :  Mga hamon sa pagbangon

EKTA-EKTARYANG PALAYAN. MALAWAK NA SAKAHAN. IYAN ANG LALAWIGAN NG NUEVA ECIJA—ANG RICE GRANARY NG PILIPINAS.
PERO PAANO KUNG ANG PALAY AT GULAY, DAGLIANG NAMATAY? 

NORA DELA CRUZ
MAGSASAKA NG PALAY
“Pagsubok lang iyan. Makakaya natin iyan, sabi ko.” 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Pagka iyan sa loob ng 24 oras hindi mo napatay iyan, malaki ang sinisira.” 

AKO SI (REPORTER). SA ULAT NA ITO, ALAMIN ANG KALBARYONG KINAKAHARAP NG MGA MAGSASAKA NG NUEVA ECIJA BUNSOD NG PANANALASA NG HANIP SA PALAY AT HARABAS SA SIBUYAS. ITO ANG (NETWORK) SPECIAL REPORT! 

 

TITLE CARD: HANIP, HARABAS, EL NIÑO PHENOMENON: MGA HAMON SA PAGBANGON 

ANG NUEVA ECIJA ANG PANGUNAHING PRODUCER NG LOKAL NA SIBUYAS SA BANSA. DITO SA MUNISIPALIDAD NG RIZAL, DALAWANG DEKADA NANG NAGTATANIM NG SIBUYAS SI DENNIS TESORO. ANG PANGUNAHING KALABAN NG MGA MAGSASAKA RITO – ANG HARABAS SA SIBUYAS. 

REPORTER: “Ito ‘yung harabas?” 

DENNIS TESORO
MAGSASAKA NG SIBUYAS
“’Yan, harabas iyan. Pinudpod niya na ‘yung dahon o! Maaani ito. May ilang good. Pero karamihan iyan, ‘yung ani, reject na.” 

INATAKE NG HARABAS O ARMYWORM ANG KANILANG BUKIRIN PERO SWERTE NAMANG NAAGAPAN NIYA ITO. 

DENNIS TESORO
MAGSASAKA NG SIBUYAS
“Sa biyaya ng Diyos ‘yung aming pananim na sibuyas ay mayroong harabas pero puwedeng mapigil. Kaya ganyan ang sibuyas namin, maraming inuubos ‘yan na 

pesticide. ‘Yung isang ektarya namin, at least P5,000 a week. ‘Yun ang nagagamit namin.” 

NAKALULUNGKOT LANG ANIYA NA MAY ILANG NAGBEBENTA NG PESTISIDYO ANG NANAMANTALA SA SITWASYON AT TINUBUAN NANG MALAKI ANG KANILANG PRODUKTO. 

DENNIS TESORO
MAGSASAKA NG SIBUYAS
“Noong nagsisimula kami ang pinakamaganda naming lason na nagagamit namin ay P2,100 lang siya. Pero ngayon umaabot na ng P2,500. Overpriced ‘yun eh bakit nabebenta nila ng P2,100 noong simula? Araw lang naman o linggo lang naman ang pagitan noon.” 

BUKOD SA HARABAS, MAY IBA PANG PESTENG PUMAPATAY SA TANIM NA SIBUYAS. 

DENNIS TESORO
MAGSASAKA NG SIBUYAS
“Nagpapahina sa ani namin, ‘yung fungus. Hindi ko pa siya nakikita kung saan galing. Kasalukuyan pa lang pinag-aaralan. Pero malaki ang epekto sa amin kasi malaki ang hinihina ng ani namin dahil doon.” 

UGAT NAMAN ANG INAATAKE NG FUNGUS NA LUMULUSAW SA SIBUYAS. 

DENNIS TESORO
MAGSASAKA NG SIBUYAS
“Nasira ‘yung kaniyang laman, lumalambot. Namamatay ‘yung kaniyang dahon. Malaki na ‘yung magiging epekto sa ani. Baka halos 50% ng ani niya, mawawala dahil sa fungus.” 

REPORTER: Parang binabad sa tubig, ‘no? Parang ganun ‘yung epekto niya?” DENNIS: Oo, nalulusaw.”
REPORTER: “So hindi naman po kayo lugi?”
DENNIS: Dito hindi kami malulugi dito. Kaya lang ang malulugi talaga ‘yung tinamaan ng may sakit. At marami sila.” 

KWENTO NI DENNIS, NAKATANGGAP NAMAN SILA NG AYUDA MULA SA PAMAHALAAN. 

DENNIS TESORO
MAGSASAKA NG SIBUYAS
“Ang gobyerno may tulong naman siya, kaya kami tumanggap kami ng limanlibong piso at saka dalawang kaban na pataba.” 

SA KABILA NG PINSALANG DULOT NG MGA PESTE, INIULAT NG DEPARTMENT OF AGRICULTURE NA AABOT PA SA 300 METRIKO TONELADA ANG MAAANING SIBUYAS NGAYONG 2024—MAS MATAAS SA DALAWANDAAN AT LIMAMPUNG METRIKO TONELADANG ANI NOONG NAKARANG TAON. HINDI RIN UMANO MAGKUKULANG ANG SUPPLY NG SIBUYAS SA BANSA DAHIL MAS DUMAMI PA ANG NAGTATANIM NITO. 

AYON KAY D.A. SPOKESPERSON ASSISTANT SECRETARY ARNEL DE MESA, KONTROLADO NA ANG HARABAS SA SIBUYAS SA LALAWIGAN. 

ASSISTANT SECRETARY ARNEL DE MESA
SPOKESPERSON, DEPARTMENT OF AGRICULTURE
“Bagamat meron talagang kaunting problema ng harabas, ito naman ay under control ng ating Regional Field Office kasama ng Regional Crop Protection Center. About 5% ‘yung tinamaan. At doon sa 5% ay maliit lang na bahagi ‘yung tinatawag nating totally damaged. Of the 500 hectares na merong partially damaged, only about 8-10 hectares ‘yung talagang tinamaan nang husto.” 

AYON KAY ENGINEER ROSENDO SO, ANG CHAIRMAN NG SAMAHANG INDUSTRIYA NG AGRIKULTRA O SINAG, HINDI NA RAW MAUULIT NA LOLOBO SA PRESYONG GINTO ANG SIBUYAS, GAYA NANG NANGYARI NOONG 2022 NA UMABOT SA NAKAKAIYAK NA 800 PESOS ANG KADA KILO BUNSOD NG KAKULANGAN SA SUPPLY AT UMANO’Y MANIPULASYON SA PRESYUHAN. 

ENGINEER ROSENDO SO
CHAIRMAN, SAMAHANG INDUSTRIYA NG AGRIKULTURA (SINAG)
“Tingin naman natin, hindi na ‘no? And ang mino-monitor lang natin ang retail ng sibuyas dahil ‘yung farm gate ay mababa eh, nasa 25 pesos per kilo lang ang puting sibuyas, pero ‘yung retail ay umaabot ng 70 pesos (per kilo). May mga area talaga na natatamaan no, pero controlled naman so far ‘yung spread ng harabas.” 

(TRANSITION) 

SA CABIAO, NUEVA ECIJA, TULONG-TULONG ANG PAMILYA CONSTANTINO NA PALAGUIN ANG PALAYANG ITO NA MINANA PA NILA SA KANILANG MGA MAGULANG. 

PERO NGAYONG TAON, ISANG MALAKING DAGOK ANG LUMIMAS SA INAASAHAN SANA NILANG MAGANDANG ANI. 

NICK CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Dahil po doon sa insektong dumapo, kung tawagin po dito sa ‘min iyon, ‘yung hanip. Kapag kinapitan ‘yung mga puno, at nasipsip, ay natutuyo na.” 

KWENTO NI NICK CONSTANTINO, WALA NA SILANG KIKITAIN DAHIL SA PAG-ATAKE NG PESTENG HANIP O BROWN AT WHITE-BACKED PLANT HOPPER. 

NICK CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Ayan o, iyang mga puti-puti na iyan. Maliliit na iyan. Parang darak iyan, parang pinong… ayan o. Kapag kasi nangitim nang ganito ang katawan (ng palay) at lumagkit na, ibig sabihin nakapangitlog na ulit ‘yung hayop.” 

REPORTER: Nakapag-reproduce na?” 

NICK: Oo, nakapag-reproduce na. Kapag ito eh nakagat pa ito, eh magkakaganito rin iyan.” 

AT KAHIT ANIYA BOMBAHIN NG PESTISIDYO… 

NICK CONSTANTINO
MAGSASAKA
“Umeepekto siya pero hindi ganoon kabagsik, dahil may natitira pa eh. Ayaw maubos. Mag-i-spray ka ngayon. Pero sa kinabukasan, maraming patay na nakalaglag, tapos makikita mo, marami na namang nakakapit ulit. Hindi nga malaman saan nanggaling.” 

ANG KAPATID NI NICK NA SI NORA DELA CRUZ, LUBHANG NALUNGKOT SA SINAPIT NG KANILANG PALAYAN. 

NORA DELA CRUZ
MAGSASAKA NG PALAY
“Ika nga, ginawa na ‘yung ng magagawa. Hindi na naming naisalba. Talagang ganyan pagsubok lang iyan. Makakaya natin iyan, sabi ko. Malalampasan natin ‘yung mga ano na iyan.” 

REPORTER (WALKTHROUGH) 

“Ang nilalakaran namin ni Ma’am Nora ay ang kanilang lupain. Kung mapapansin ninyo kulay brown na lahat. Tinuyo na ng hanip. Ilan ito lahat, Ma’am? 1.8 hectares.” 

HOPPER BURN KUNG TAWAGIN ANG NANGYARING ITO SA PALAYAN. TINUYOT LAHAT NG PESTENG HANIP ANG KANILANG MGA TANIM. 

NICK CONSTANTINO MAGSASAKA NG PALAY “Isang araw lang ito! Ubos agad!” 

NORA DELA CRUZ
MAGSASAKA NG PALAY
“Ito po ‘yung uhay ng palay na natira. Tinira ng hanip. Siguro po kung ito ay magtutuloy, eh makakabawi kami. Kaso nga lang po, nakita niyo naman, ‘alang natira. Eh pong ano na ito, siguro po mahigit 70,000 pesos ang nagastos namin. Malaki po ang aming lugi. 

Ika nga po, ‘yung iba niyan, eh baka sa susunod mangungutang na lang kami kung may magpapautang. Ganoon po ang mangyayari.” 

REPORTER TO JESS CONSTANTINO: “So kayo po sir, nakapag-ani na kayo sir?” JESS: Oo nakapag-ani na.” 

MAHIGIT ISANG EKTARYANG PALAYAN NAMAN ANG SINASAKA NI JESS CONSTANTINO. BUWISAN O INUUPAHAN NIYA ANG LUPA AT MAY KASUNDUAN SILANG CROP SHARING NG MAY-ARI. 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Ito ‘yung sumasapaw. Buntis pa ‘yung palay. Ayan, sapaw na. Nasa loob pa nito ‘yung uhay ng palay. Ito, ganitong klase ng palay ito ang kinakailangan ng tubig at spray. Iyan ang delikadong masipsip ng mga hayop.” 

REPORTER: ‘Pag hindi naagapan? 

JESS CONSTANTINO: Pag hindi naagapan diyan na nga lumilitaw ‘yung neck crack, ‘yung palay natutuyo.” 

PERO ‘DI TULAD NG NANGYARI SA PALAYAN NG KANIYANG MGA KAPATID, NAAGAPAN NIYA ANG PESTENG HANIP. 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Tinitignan ko talaga ‘yung palayan kung merong hayop. Eh sabi ko parang meron, kaya pina-spray ko ulit. Kaya sabi nitong bunso ko, kabobomba mo pa lang kamakalawa, bobombahin na naman? Eh kailan ba bobombahin, kung malala na?” 

HALOS ARAW-ARAW NIYANG KINIKILATIS ANG MGA DAHON NG PALAY KUNG PINAMUMUGARAN NA BA NG INSEKTO. 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Kapag lumalabas ako ng bukid, sa gitna ako ng pinitakan nagdadaan.” 

SA LOOB LANG ANIYA NG ISANG ARAW, KAYANG LIMASIN NG HANIP ANG BUONG PALAYAN. 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Pagka iyan eh sa loob ng 24 na oras, malaki ang masisira.” 

ILAN SA MGA BUKIRING NAPESTE, MAY INSURANCE NAMAN. PERO PAGDATING SA CLAIMS, GAMUNGGO LANG NA PERA ANG MAIBABALIK SA KANILA. 

10 

NICK CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Ito naka-insure ito sa PCIC (Philippine Crop Insurance Corporation). Nung ma-receive ko na ‘yung check, eh sobrang liit. P8,800 lang!” 

NAKATANGGAP DIN NG AYUDA ANG ILAN SA MGA MAGSASAKA. 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Kako nga eh marami kaming nakuhang libreng pataba sa DA. Tapos ‘yung aming mahal na mayor, tinatambalan ‘yung nanggagaling ng DA. Sa matuling sabi, ‘yung 11 bag na nagamit ko rito sa aking 1.7 hectares, eh apat lang ang binili ko, pito ang nakuha kong libre.” 

NICK CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Kulang sa kulang. Kaya lang, nagpapasalamat na rin kahit papaano, may umaabot na tulong sa amin mula sa D.A.” 

BUKOD SA HANIP, MAY IBA PANG MGA PESTENG PUMIPINSALA SA MGA PANANIM. 

11 

NICK CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Leaffolder, mga insekto, black bug lalo kapag malamig, maliwanag ang buwan, umaatake ang black bug. Malaki siyang insekto. Rice bug siya kung tawagin.” 

REPORTER: Opsiyon niyo ba na magtanim ng ibang pananim sa halip na palay. Kung halimbawa may ganitong mga peste? Meron bang option na, “ay magpalit tayo ng ibang pananim?” 

NICK CONSTANTINO: “Kasi ang kuwan talaga ng magsasaka rito, palay. ‘Yung iba, puwedeng maglagay ng mais o kaya sorghum. Kaya lang ‘yung mga lupa dito, lagkitan. Nagbibitak siya nang malaki ‘yung lupa.” 

REKOMENDASYON NILA, SANA AY SABAY-SABAY ANG PANAHON NG PAGTATANIM AT PAG-AANI PARA IWAS-PESTE. 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Pagka sabay-sabay kasi, puwede kang magsabay-sabay ng pag-i-spray para mapatay lahat ng hayop. Kasi ‘pag nagkaniya-kaniya, pagka nag-spray ako ngayon at ‘yung katabi ko ay hindi, lilipat lang dun sa kabila. Magpapalipat-lipat lang ang mga insekto.” 

12 

(TRANSITION) 

SA CANDABA, PAMPANGA PINANGUNAHAN NI PANGULONG MARCOS ANG CEREMONIAL HARVESTING NG PALAY SA BARANGAY MANDILI. DITO, NAMAHAGI SILA NG AYUDA SA NASA 12 LIBONG MAGSASAKA AT 10 KOOPERATIBA. 

SA KABILA NG MGA PAGSUBOK NA KINAKAHARAP NG MGA MAGSASAKA, MALUGOD NA INIULAT NI PANGULONG FERDINAND MARCOS JR. NA NAKAPAGTALA ANG PILIPINAS NG 20 MILYONG METRIKO TONELADANG ANING BIGAS NOONG 2023. 

PANGULONG FERDINAND R. MARCOS JR. 

“Nagtamo tayo ng tala ng ani noong 2023 na umabot sa mahigit 20 milyong metric ton ng palay.” 

RECORD-HIGH ANIYA ITO. MAS MATAAS NG 300 LIBONG METRIKO TONELADANG ANI KUNG IKUKUMPARA NOONG 2022. 

PINATUTUTUKAN NG PANGULO SA D.A. ANG PATUBIG MAGING ANG PAGLALAGAY NG SOLAR-POWERED IRRIGATION SYSTEM. 

GAGAYAHIN DIN DAW ANG SISTEMA NG PAGSASAKA SA VIETNAM. 

13 

PANGULONG FERDINAND R. MARCOS JR. 

“Karamihan ng importation natin galing sa Vietnam. Kaya’t noon pumunta kami roon, nauna si Secretary Kiko (Tiu Laurel) at pinuntahan at inikot niya ‘yung kanilang mga sakahan. Ang sikreto talaga diyan, ang susi talaga diyan ay ‘yung patubig. Kaya, tintignan po naming ‘yun mga sistema na ginagawa at palagay ko susubukan natin ‘yung solar- powered irrigation.” 

AYON KAY AGRICULTURE SECRETARY FRANCISCO TIU LAUREL JR., TATAGAL PA HANGGANG HUNYO ANG SUPPLY NG BIGAS SA BANSA LALO NA’T MAGSISIMULA NA ANG PEAK NG ANIHAN NG PALAY NGAYONG MARSO AT ABRIL. 

PERO POSIBLE RING MARAMDAMAN HANGGANG SA SETYEMBRE ANG MATAAS NA PRESYO NG BIGAS DAHIL SA EPEKTO EL NIÑO SA GLOBAL RICE SUPPLY. 

PARA KAY ENGINEER ROSENDO SO, ANG CHAIRMAN NG SAMAHANG INDUSTRIYA NG AGRIKULTURA, BAGAMAT MARAMING ANING PALAY, MAHALAGA PA RING MAG-IMPORT NG BIGAS PARA SA BUFFER STOCK NG BANSA. 

ENGINEER ROSENDO SO
CHAIRMAN, SAMAHANG INDUSTRIYA NG AGRIKULTURA (SINAG)
“Kulang pa rin dahil umaabot tayo sa 30% import ng 2022. ‘Yung 2023, medyo bumaba nang kaunti no, from 3.9 million metric tons bumaba ng 3.6 million metric tons ang pinasok 

14 

natin. So, malaki pa rin. We hope na bumalik tayo sa kalahati lang, nasa 1.5 million metric tons for buffer stocking.” 

SA PANAYAM SA PROGRAMANG “BAGONG PILIPINAS,” SINABI NI ENGINEER EDUARDO GUILLEN, ADMINISTRATOR NG NATIONAL IRRIGATION ADMINISTRATION O NIA, NA RAMDAM NA ANG EL NIÑO PHENOMENON DAHIL SA PATULOY NA PAGBABA NG ANTAS NG TUBIG SA MGA DAM. 

ENGINEER EDUARDO GUILLEN
ADMINISTRATOR NG NATIONAL IRRIGATION ADMINISTRATION (NIA)
“May mga areas po naman na meron tayong concern tulad sa Region 3. ‘Yung ating dam sa Pantabangan ay kulang talaga sa tubig.” 

GAYUNPAMAN, KUMPIYANSA ANG PAMAHALAAN NA HINDI MAGIGING MAPAMINSALA ANG EPEKTO NITO SA SEKTOR NG AGRIKULTURA. 

ENGINEER EDUARDO GUILLEN
ADMINISTRATOR NG NATIONAL IRRIGATION ADMINISTRATION (NIA)
“Ang tantiya namin ho kasi namin mga 20% ang maapektuhan ng El Niño. Pero kung sa 20% at ‘yung mataniman mo naman ay tataas ng 50% ang yield, ay sigurado pong hindi naman bababa ang ating production.” 

15 

MAY MGA LONG-TERM SOLUTION DIN ANG GOBYERNO LABAN SA EL NIÑO AT CLIMATE CHANGE. 

ENGINEER EDUARDO GUILLEN
ADMINISTRATOR NG NATIONAL IRRIGATION ADMINISTRATION (NIA)
“May pondo po kami ngayon para sa solar pump irrigation with fertigation and drip irrigation. Para po ito sa mga pang-upland natin. Marami po niyan sa Visayas ang mabibigyan. At marami po tayong dams na sinisimulan po ngayon. ‘Yung Bayabas Dam sa Central Luzon. ‘Yung Maringalo malapit nanating simulan. ‘Yung Calapangan sa Cagayan Valley. At sa Mindanao area ‘yung Tulunan, marami pa kaming dams na ginagawa.” 

SA NUEVA ECIJA, DUMADALOY PA ANG TUBIG SA IRIGASYON MULA SA NIA. 

AYON SA MAGSASAKANG SI PAM CONSTANTINO, NAPAGHANDAAN NILA ANG EL NIÑO PHENOMENON. 

PAM CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Ang unang unang nagbago sa amin sa irigasyon—dati may bayad, ngayon libre na. Basta’t nakita na ang tubig, maglagay na (ng binhi). ‘Pagka medyo nahuli ka, gagahulin ka na sa tubig. Kasi ang Pantabangan dam, walang masyadong maraming lagay na tubig dala ng madalang na umulan. Iyan, normal pa ‘yan ‘pagka ganyan, malakas pa ang kuha 

16 

dine sa pinitakan at mataas sa pinitak iyan. Pati ‘yang Bulacan, nakakarating ang tubig diyan sa Bulacan. Pinaghahati ang tubig.” 

ENGINEER ROSENDO SO
CHAIRMAN, SAMAHANG INDUSTRIYA NG AGRIKULTURA (SINAG)
“So far maganda ang tayo pa ng palay natin and may tubig pa naman. So, ang tingin naman natin ‘yung harvest ng March wala masyadong problema pa and tuloy-tuloy ang pag-release ng patubig sa irrigated area.” 

MALIBAN SA TAGTUYOT AT MGA PESTE SA BUKID, MAY MAS MABIGAT PANG PROBLEMANG KINAKAHARAP ANG MGA MAGSASAKA. 

NORA DELA CRUZ
MAGSASAKA NG PALAY
“Magkano lang ang kuha nila ng palay, bente pesos lang isang kilo! Makakaano bai yon sa magsasaka?” 

MGA AHENTE, NEGOSYANTE’T MIDDLEMAN ANG NAGDIDIKTA NG PRESYO KUNG MAGKANO NILA BIBILHIN ANG ANI. 

KUNG MAGSASAKA ANIYA ANG MAGTATAKDA NG PRESYO, AGAD ITONG SUSUWAGIN. 

17 

NORA DELA CRUZ
MAGSASAKA NG PALAY
“Hindi ho namin maiano ‘yung gusto namin ganito. Hindi pupuwede. Eh ayaw nila ng ganun eh basta’t ‘yung presyo nila, ibinibigay nila ang presyo nila. Kaya minsan nasasabi ko rin. Bakit ‘pag bumili kami, ‘yung presyo niyo ang binibigay ninyo? Bakit ‘pag kayo ang bibili sa amin, hindi namin makuha ang presyo namin. Kumbaga ‘yung sa ano, ‘yung magsasaka hirap na, pinahihirapan pa!” 

ISA SA PINAGBABATAYAN NG PRESYUHAN NG PALAY AY ANG MOISTURE CONTENT NITO. KAPAG PINATUYO KASI ANG SARIWANG PALAY, NABABAWASAN ANG TIMBANG NITO DAHIL SA NAWALANG MOISTURE CONTENT. 

TINUTUOS DIN NG MGA RICE-MILLER TRADER ANG IBA PANG GASTOS SA PAGPAPATUYO NG PALAY. 

JESS CONSTANTINO
MAGSASAKA NG PALAY
“Sila ang nagpepresyo. Kukunin ‘yung M.C. (moisture content) ng palay, eh ika 36 ang naging M.C. Eh kuya, ika, 23 pesos lang. Eh sa akin okay na ‘yun. Kahit kuwan, kumite naman nang kaunti.” 

KAYA ANG PANAWAGAN NILA SA PAMAHALAAN… 

18 

DENNIS TESORO
MAGSASAKA NG SIBUYAS
“Kikita ‘yan kung maganda ‘yung presyo. Kagaya niyan ang presyo ng puti na sibuyas ay 27 hanggang 30 ang farmgate price. Ganoon lang nila binibili. Ang pula lalo na, mas mahinang umani iyon.” 

“Kami bilang nagsisibuyas, ang aming panawagan sa gobyerno, ay magkaroon sila ng establisyadong presyuhan na kikita naman kami.” 

DAPIT-HAPON NA. MAGPAPAHINGA NA MUNA ANG MGA MAGSASAKA.
BUKAS MULING SISIBOL ANG PAG-ASA NA SA GITNA NG GANITONG MGA HAMON, SILA’Y MULING MAKAKABANGON. 

 

 

 

  • Pages:
  • 1
  • 2