Announcement: Thank you for your participation in the 17th Bright Leaf Agriculture Journalism Awards. Congratulations to all our winners!

Gintong Ani

by: Shyla Francisco of TV5 Network,Inc.
2023 Best Agriculture TV Program or Segment

LEAD IN: NAPIPILITAN ANG ILANG MAGSASAKA SA PARACALE CAMARINES NORTE NA MAG-ANI MUNA NG GINTO. HINDI PA RAW KASI SILA MAKAPAGSAKA SA MAHAL NG PUHUNAN NA SINABAYAN PA NG MATATAAS NA PRESYO NG BILIHIN.

(ROLL VO)

ALAS-SAIS NG UMAGA PA LANG, SIMULA NA ANG ARAW NG SINGKWENTA’Y SINGKO ANYOS NA SI KUYA DENNIS SAPARACALE, CAMARINES NORTE.

MABILISANG UMAGAHAN MUNA, PARA HANDA SA TRABAHONG KAKAHARAPIN, AT SAKA MAGLALAKAD NA PAPUNTANG PALAYAN.

SA BUWAN NA ITO KARANIWANG INIHAHANDA ANG MGA LUPA AT BINUBUHOS ANG MGA BINHI PARA SA SUSUNOD NA ANIHAN.

PERO NANG SAMAHAN NAMIN SI KUYA DENNIS, IBA ANG AMING NADATNAN.

IBA PALA KASI ANG AANIHIN SA MISMONG SAKAHAN.

DENNIS BARENA,MAGSASAKA

”Imbes na palay muna anihin ginto muna inaahon para kami makaraos kesa naman sa wala pang binhi mahal pa wala kaming gawa di lalo kami tengga.”

PAGLALABADERO ANG TAWAG DIYAN O MANO MANONG PROSESO NG PAGKUHA NG GINTO.

TRADISYON NA RAW ‘YAN DITO SA BAYAN SA PARACALE NA ANG IBIG SABIHIN AY PARA HUKAY.

SA PAGLALABADERO, ARAWAN ANG SAHOD…

PERO, WALANG KATIYAKAN KUNG MAGKANO ANG KIKITAIN

SHYLA FRANCISCO, REPORTER (SPIEL)

Imbes na may araro at kalabaw na katulong ang magsasaka, daig pa nila ang kalabaw dahil buong araw sila lang ang nagtatrabaho makakuha lang ng kahit katiting na ginto. Pero gano kahirap ba ito kumpara sa pagsasaka. Tara alamin natin!

NAGSISIMULA ANG PROSESO SA PAGHUHUKAY SA SAKAHAN PARA MAKAKUHA NG LUPANG POSIBLENG MAY GINTO.

ANG MGA LUPANG ITO… HAHANGUIN PAAKYAT GAMIT ANG SAKO AT LUBID.

PAGKATAPOS NIYAN AY IBABABAD ITO SA TUBIG AT TILA LALABAHAN PARA MAHIWALAY ANG LUPA SA BUHANGIN AT GAWING PINO.

BIBISTAYIN O SASALAIN AGAD ANG LUPA PARA MAHIWALAY ANG IBANG BUHANGIN.

AT PAGPAPAGIN NA ITO SA TINATAWAG NILANG PABIRIK KUNG SAAN UNANG MAKIKITA ANG GINTO.

SHYLA: ligtas ba yung ginagawa nyo kumpara sa ibang paguhukay at mina?

KUYA MAR: ligtas kasi bukod sa mababaw, wala naman kami ginagamit na kemikal.

SA HULI LULUTUIN NA ANG MGA BUTIL NA ITO PARA MABUO!

AT MATAPOS ANG ISANG BUONG ARAW, GANITO ANG KALALABASAN IPINATIMBANG NILA ANG NAKUHANG GINTO SA BAYAN AT ITO NA ANG INABOT.. 3,840 PESOS.

PERO DAHIL ANIM SILANG NAGHAHATI, ANG NAKUHA LANG NI KUYA DENNIS, 548 PESOS.

MINSAN LANG UMABOT SA GANONG PRESYO ANG PAGLALABADERO.. PERO MALIIT LANG DAW ITO LALO KUNG MAY PINAG-AARAL KA.

SA KABILA NG KINIKITA, MAS PIPILIIN PA RIN DAW NI KUYA DENNIS ANG PAGSASAKA.

DENNIS BARENA, MAGSASAKA

number 1 po ang pagsasaka nakakapagpahinga kami pag may palay po (Dennis starts breaking down)
SHYLA: ay bakit po.

DENNIS: Tatapatin ko na po kayo hindi po ako nakapagaral kahit pangalan ko hirap ko isulat kaya ako magsasaka. kung tutuusin di ako magkakabud, ang hirap po mam magkabud, nakita mo sitwasyon kanina halos nilalagnat nako, kagabi di na ko nilalagnat.

KWENTO PA NI KUYA DENNIS, KUNG MABABA LANG SANA

ANG PRESYO NG ABONO MAS MAAGA SANA SILANG MAKAKABALIK SA PAGSASAKA NGAYONG BUWAN.

UMAABOT DAW KASI NG TATLONG LIBO ANG GASTOS SA ABONO, BUKOD PA SA GASTOS SA BINHI AT PUHUNAN.

AYON NAMAN SA MUNICIPAL AGRICULTURE OFFICE NG PARACALE, MAY MGA IPAMAMAHAGI SILANG BINHI.

PERO AMINADO SILA NA LIMITADO LANG ANG MABIBIGYAN NILA DAHIL SA LIMITADO RING BUDGET NG D-A.

PATULOY NAMAN DAW SILANG NAGHAHANAP NA DAGDAG

TULONG SA MAGSASAKA.

PINAPAYAGAN NAMAN DAW ANG PAGLALABADERO PERO PAALALA NILA, WAG GAGAMIT NG KAHIT ANONG KEMIKAL.

CRISANTO ARANDIA, MUNICIPAL AGRICULTURE OFFICER, PARACALE LGU

Basta siguruhin na mabalik sa dati ang sakahan para mapakinabangan ng mahabang panahon.
SHYLA: di naman naapektuhan lupa noh?

CRISANTO: hindi naman siguro mam walang kemikal na nilalagay, sa ngayon alam ko may pamamaaraan na di na gagamit ng mercury

PAGTITIYAK NAMAN NG MGA MAGSASAKA, ISINAALANG-ALANG NAMAN NILA ANG LUPANG PINAGKUKUNAN NG GINTO DAHIL DITO RIN SILA MISMO MAGTATANIM.

SA NGAYON,ANG TANGING HILING NA LANG NI DENNIS AT ILANG MAGSASAKA.. TULAD NG GINTONG INAANI NILA NGAYON, MAGING MAKINANG DIN ANG KINABUKASAN NG KANILANG PANGKABUHAYAN NA PAGSASAKA.

(EXTRO)