Announcement: Thank you for your participation in the 17th Bright Leaf Agriculture Journalism Awards. Congratulations to all our winners!

Bida Specials: Vermi Composting Sa Urban Household

by: Malu Manar of DXND - Kidapawan
2018 Best Agriculture Radio Program or Segment

Part 1

Intro

PROBLEMA n’yo ba kung saan itatapon ang nabubulok na mga basura? Lalo na kapag ‘di pa iskedyul ng dump truck na kumulekta ng ganyang klase’ng basura?

Ang iba, sa mga ilog o kanal na itinatapon ang mga basura.

Walang paki kung nasisira na ang mga daluyan ng tubig o ang mismong kalikasan sa nakatambak na mga basura.

Mas malaki ang problema sa pagtatapon ng mga basura sa urban household.

Mga kaibigan, may sagot na sa problemang ito.

Ito ang African Night Crawler o ANC dormitel na imbensyon ng isang agricultural technologist na si Mang Julito Saladan na taga-Kidapawan City.

SOT: JULITO 1

“Ako si… kaniadtong 2013.”

ANG AFRICAN NIGHT crawler dormitel na ito ang nagsisilbing imbakan ng mga nabubulok na basura na maaaring gawing abono sa mga tanim sa tulong na rin ng African Night Crawler na isang klase ng bulate o earthworm.

Mga kaibigan, tampok sa BIDA SPECIALS ang katangi-tanging imbensyon ni Mang Julito at ang kahalagahan nito sa solid waste management sa urban household sa episode na may pamagat na –

‘VERMI COMPOSTING SA URBAN HOUSEHOLD’

Ako si Malu Cadelina Manar at ito ang BIDA SPECIALS.

Part 2

Vermi Composting at Urban Household

ANG VERMI COMPOST ay produkto ng composting process o pagpapabulok gamit ang iba’t ibang klase ng mga bulate, katulad ng Red Wiglers, White Worm, at iba pang klase mga composting materials.

Magiging pagkain ng mga bulateng ito para makagawa ng vermi-cast o abono ang iba’t ibang klase ng mga nabubulok na basura.

Ang vermi-cast o abono’ng ito, kapag inihalo sa lupa, ang tutulong para yumabong ang mga tanim.

Ibig sabihin, ang nabubulok na mga basura napakikinabangan sa bukid sa pamamagitan ng vermi-composting.

Bahagi ito ng tinatawag na, ‘organic farming’ o organikong uri ng pagsasaka.

MUSIC (Bed): Up and under

KUNG sa mga kanayunan nagagamit bilang abono ang nabubulok na mga basura sa kanilang mga pananim, e, kumusta naman ang sa urban household o sa mga metropolitan area?

Papaano ba ang solid waste management sa mga highly-urbanized cities?

MUSIC (Bed): Up and Under

SFX: Noise in the metropolitan

NABATID sa pag-aaral na ang Metro Manila ang responsable sa 25 porsiento ng mga nakukulektang basura sa buong Pilipinas, sa araw-araw.

Abot sa walong libo at anim na raang (8,600) tonelada ng basura sa araw-araw ang itinatapon sa iba’t ibang mga dumpsite o sanitary landfill sa buong National Capital Region.

PUNTA tayo sa North Cotabato…

MUSIC

SFX

SA KIDAPAWAN City na isa sa lumalaki at umuunlad na lungsod sa rehiyon dose, problema ang pag-manage ng mga basura.

SOT: JULITO 2

“Nakakita kita sa pamaagi… disposal sites.”

BASE SA DATA mula sa City Environment and Natural Resources, abot sa tatlumpong tonelada ng basura ang itinatapon ng mga residente ng Kidapawan City, kada araw.

Sa mga basurang ito, animnapu’t lima ang nabubulok o bio-degradable.

Napatunayan sa mga pag-aaral na kapag hindi maayos ang pag-manage sa ganito’ng klase ng mga basura, sasailalim ito sa tinatawag na, ‘an-aerobic decomposition’.

Ibig sabihin nito, habang nabubulok ang basura sa mga disposal site, naglalabas ito ng mabahong amoy o methane gas.

Ang methane ay isang uri ng greenhouse gas na nagsasanhi ng global warming o ito’ng pag-init ng mundo.

SOT: JULITO 3

“Ang concept… kinaiyahan.”

SA GANITO’NG konsepto sinimulan ng agricultural technologist ang kanyang imbensyon na tutugon sa problema sa basura sa mga urban household, tulad ng sa Kidapawan City.

Tinawag ni Mang Julito ang kanyang imbensyon na, “African Night Crawler Dormitel.”

ANG AFRICAN Night Crawler ay isang uri ng bulate na ginagamit sa paggawa ng vermi-cast o abono.

Ang scientific name nito ay Eudrilus eugeniae.

Kinokonsidera ito na pinakamahusay na klase ng composting earthworm sa mga bansang tropical o mga bansa na matatagpuan sa equatorial region ng daigdig, tulad ng Pilipinas.

Noon pang taong 1981 ginamit ang African Night Crawler sa vermi-composting sa mga bansang tropical.

Kwento ni Mang Julito, ang bulateng ito ay dinala sa Pilipinas ng isang Dr. Rafael Guerrero III mula sa West Germany noong 1982.

Pero ang bulateng ito raw ay nagmula umano sa West Africa.

SOT: JULITO 4

“Asa gikan ang African…urban household.”

Part 3

Research and invention

TAONG 2013 natapos ni Mang Julito ang research patungkol sa kanyang imbensyon na kung tawagin niya ay, “African Night Crawler Dormitel.”

Ang compost chamber na ito ay naka-desinyo para sa urban household na wala nang espasyo o lugar para itapon ang mga basura, lalo na ang mga nabubulok.

Taong 2014 nang makarating sa kaalaman ng Department of Agriculture sa Region 12 ang naturang imbensyon.

At para ma-test kung gaano ito ka-epektibo, namahagi noong taong 2015 ang DA ng mga sample ng ANC dormitel sa mga urban household sa rehiyon dose, kabilang na rito ang General Santos City, Koronadal City, Tacurong City, Cotabato City, at Kidapawan City.

SOT: JULITO 5

“Kay kini nga gadget… mga 2015.”

ANG AFRICAN Night Crawler Dormitel ay may tatlong layer.

Ang unang layer ay nagsisilbing taga-salo o catchment ng leachate o sobrang tubig na ginamit sa pagdilig ng substrates o surface material na ginamit pantakip sa nabubulok na mga basura.

Ang pangalawa at pangatlong layer ang nagsisilbing imbakan o chamber ng mga basura para sa vermi-composting.

Natatakpan ito ng ultra-fine mesh net na 100 percent polyethylene para maiwasang makapasok sa naturang chamber o layer ang mga langaw.

SOT: JULITO 6

“Ang kini nga composting… pre-decompost.”

BAGAMA’T sa West Africa nanggaling ang African Night Crawler na bulate, marami nang mga asosasyon o grupo ng mga magsasaka ang nagko-culture nito – tatlumpu’t anim na taon matapos ma-introduce ito sa Pilipinas ni Dr. Rafael Guerrero III ng Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development ng Department of Science and Technology.

Sa Kidapawan City, ang African Night Crawler at iba pang klase ng bulate ay maaaring mabili sa Kidapawan City Vermi Research Association, at sa ilan pang mga indibidwal.

Kada kilo ng bulateng ito nagkakahalaga ng tatlong daan hanggang limang daang piso.

Ang bulateng ito ay inilalagay sa second layer ng chamber o o itong pre-decompost area kung saan nangyayari ang unti-unting pagkabulok ng mga basura.

Ang pantakip sa nabubulok na mga basura ay galing din sa organikong bagay, halimbawa, mga dahon ng madre cacao; maliliit na mga kahoy; ipa ng palay; o kaya naman bagaso o sawdust.

Ang tawag sa mga materyales na ito ay substrates.

Kailangang diligan ng tubig ang naturang mga basura at substrates para mamintina ang halumigmig o moisture content.

SOT: JULITO 7

“No’ng dinistribute ko… pagkaon per day.”

ANG AFRICAN Night Crawler dormitel na imbensyon ni Mang Julito ay hindi naglalabas ng masangsang na amoy o ito’ng methane gas o ammonia.

Kaya’t OK lang na ilagay sa loob ng kusina ang dormitel para deretso nang itatapon dito ang mga basura na nanggaling sa mga isda, karne, gulay, prutas, at iba pang mga bagay na nabubulok.

SOT: JULITO 8

“Dili siya baho… ammonia.”

Part 5

Mang Julito and his award

ANG IMBENSYON na ito ni Mang Julito at ang kahusayan niya sa trabaho ang naging dahilan para mapili siya bilang isa sa mga, “Outstanding Government Employee of the Year” ng Civil Service Commission noong 2017.

Tumanggap si Mang Julito ng plaque at cash na P100 thousand mula sa CSC sa awarding ceremony sa kalakhang Maynila, noong nakaraang taon.

Bahagi raw ng cash na natanggap niya ginamit niya sa paggawa ng mga African Night Crawler Dormitel.

SOT: JULITO 9

“Yes, kay gi-entry… cash.”

KUNG si Mang Julito ang tatanungin, ang ANC dormitel na kanyang naimbento ay makatutulong para sa solid waste management sa urban household.

Maaari din siya’ng pagkuhanan ng abono o vermi-cast na makatutulong para sa pagpapataba ng lupa at sa pagpapayabong ng mga tanim kaya’t mahalaga ito sa urban greening program ng gubyerno.

Sa pamamagitan rin ng compost chamber na ito naiiwasan ang kontaminasyon ng tubig sa ilog at sa kanal mula sa mga basurang itinatapon ng mga mamamayan.

AT HIGIT sa lahat, tumutulong ito mapanumbalik ang balanse sa kalikasan ng mundo at mapigilan ang global warming o pag-init ng mundo at climate change o pabagu-bagong klima ng panahon.

Sa kabila nito, nahaharap sa isang mas malaking hamon si Mang Julito – ito ang social acceptability o ang pagtanggap ng mga nasa urban area o metropolitan sa ganitong uri ng teknolohiya.

Naging halimbawa ni Mang Julito sa kanyang naging karanasan ang nangyari sa taga-Batoon Subdivision sa Barangay Manongol sa Kidapawan City.

SOT: JULITO 9

“Daghan… opo.”

Part 6

Conclusion

MALAKING hamon nga sa mga metropolitan o highly-urbanized cities ang matinding problema sa basura.

Kapag lumalaki o umuunlad ang isang lugar, lumalaki at mas bumibigat pa ang kanilang mga basura.

Ang basura, kapag hindi na-manage nang maayos, ay sisira o papatay ng kalikasan, halimbawa, ng daluyan ng tubig at mapagkukuhanan ng tubig-maiinom.

Dito papasok ang ka-importansiya ng African Night Crawler na imbensyon ng taga-Kidapawan City na si Julito Saladan.

Natatangi ang kanyang imbensyon.

Sinasagot na nito ang problema sa global warming at tumutulong pa sa pagpapanumbalik sa katabaan fertility ng lupa.

Ang vermi-cast na napo-prodyus ng ANC dormitel ay maaaring gamitin sa backyard gardening sa mga urban household.

Kaya’t sa totoo lang, ang basura ay maaari namang mapakinabangan – ang mga hindi nabubulok o non-biodegradable ay puwede’ng i-recycle o gamiting muli o kaya ibenta at mapagkakitaan.

Ang mga nabubulok namang basura mula sa mga URBAN HOUSEHOLD ay maaaring gamitin para sa VERMI-COMPOSTING.

Ang kailangan lamang ay maging bukas ang tao sa ganitong teknolohiya.

Ako si MALU CADELINA MANAR at ito ang BIDA SPECIALS.